Pages

4.20.2009

sometimes, it's better said (and felt) in Tagalog

Nuong bata-bata pa ako, madalas kong naririnig at nababasa na importante ang pagkakaroon ng mga tunay na kaibigan habang nagkaka-edad ka. Sumang-ayon naman ako ng hindi ko lubusang naiintindihan ang tunay na kahulugan ng mga salitang iyon.

Marahil nga ay tumatanda na ako. Nag-iiba ang mga prayoridad sa buhay. Nagkakaroon ng kakaibang perspektibo.Mas lumalaki ang mga pagsubok. Ngunit napansin ko ang isang bagay: Sadyang mayroong mga taong itinalaga ang Diyos upang makasama mong tumawa, umiyak at maglakbay sa buhay dito sa pabago-bagong mundo. Ngayon, mas nabibigyang kahulugan ko na ang ibig sabihin ng mga katagang aking unang nabanggit.

Siguro nga'y sadyang pinagpala lamang ako dahil mayroong mga taong parating nakapaligid sa akin upang sumuporta at bigyan ng ibang kulay ang laban ng buhay. Napagtanto kong hindi naman lahat ng taong makikilala mo o makakasalamuha ay pipiliing mananatili at hindi ka iwan. Ngunit, sadyang mayroon lamang iilan na patuloy kang mamahalin at tatanggapin sa kabila ng lahat ng iyong kahinaan at kapintasan. Sila ang iilan na maninindigan para sa iyo; hindi ni minsang mag-aalinlangang tumulong; patuloy na papahid ng iyong mga luha; magbibigay ng ngiti sa iyong mga labi, o sadyang magbibigay lamang ng pag-asa.Sa gitna ng napakalakas na unos, pipilitin nilang palabasin ang araw upang magliwanag na muli ang iyong kapaligiran, o di kaya'y patilain man lamang ang ulan.

Madalas kong isulat ang mga ganitong bagay. Marahil kung minsan ay nakakaumay, ngunit sadyang hindi ako hihinto sa pagpapasalamat. Una, sa Diyos dahil siya ay tunay na mabuti. Siya ay marunong sapagkat sinadya niyang piliin ang mga taong itinalaga niya sa buhay ng bawat isa sa atin. Sila ay nariyan, dahil mayroon silang dapat gampanan. At ikalawa, sa mga taong hinayaan ang kanilang mga sariling maging daluyan ng pag-big at kabutihan ng Diyos. Hindi man ako makapanukli, dalangin ko't hiling, nawa'y pagpalain kayo ng Panginoon ng puspos at umaapaw dahil kayo mismo at biyaya ng maituturing. Marahil bukas, mayroon din akong maliit na gawang maiaalay sa inyo.

No comments: